Gordon: Labag sa ating Konstitusyon ang panukalang diborsyo na ipinasa na sa Kamara

Tuwirang sinabi ni Senador Richard Gordon na labag sa ating Konstitusyon ang panukalang diborsyo na ipinasa na sa Kamara.

Ayon kay Gordon, Chairman ng Senate Justice Committee, hindi dapat iprayoridad ang Divorce Bill dahil maliwanag ang nakasaad sa ating Saligang Batas na ang pag-aasawa ay isang institusyon sa ating lipunan na dapat protektahan ng pamahalaan.

Bunsod nito ay iginiit ni Gordon na dapat sikapin ng bawat isa na maging maayos ang takbo ng kanilang pag-aasawa.

Sa kabila nito ay umaasa si Senador Gordon na makakahanap tayo ng paraan para mabigyan ng pagkakataon na makalaya sa isa’t isa ang mag-asawa na hindi na talaga magkasundo, sinasaktan na ang isa’t isa at ang problema nila ay nakakasama na para sa kanilang mga anak.

Sa ngayon, ay annulment pa rin ang nakikitang solusyon ni Senador Gordon pero dapat aniya ay may seryosong mga dahilan para ipawalang bisa ang kasal ng dalawang tao na nagmamahalan at nagpasyang magpakasal. | via Jojo Ismael