Gordon, ikinatuwa ang balak ng gobyerno na pagkuha ng mga submarine simula ngayong taon bilang bahagi sa pagpapalakas sa kakayahan ng AFP

Buo ang suporta ni Senador Richard Gordon sa plano ng gobyerno na kumuha ng mga submarino sa mas nalalapit na panahon bilang bahagi ng pagpapalakas sa kapasidad ng Hukbong Sandatahan sa gitna ng lumalaking hamong panseguridad sa rehiyon.

Sinabi ni Gordon na kung totoo ang balita sa binabalak ng gobyerno na pagbili ng mga submarino, makakaasa ito ng kanyang buong suporta at ito’y kanyang ikinatutuwa sapagkat ang Pilipinas ay isa sa apat na bansa sa Asya na wala pang sariling submarino.

Una rito, inihayag ng Department of National Defense (DND) na ang pagbili ng mga nasabing submarino ay nailipat na sa shopping list ng militar mula sa ilalim ng Horizon 3 tungo sa Horizon 2 kung saan sa halip na ipatutupad ito sa 2023 hanggang 2028, ito’y aagahan na sa 2018 o ngayong taon hanggang 2022.

Punto ni Gordon, hindi tulad ng ilan sa ating mga kalapit-bansa sa Asya kabilang ang China, Japan, Singapore, Korea, Indonesia, at iba pa, ang Pilipinas ay isa sa mga may pinakamababang gastusin para sa militar kung kaya’t tayo ay isa sa mga may mahinang militar sa rehiyon. | ulat ni Jojo Ismael