Gold medalists Yulo, Petecio, nakatakdang humarap kay PRRD mamaya

Nakatakdang harapin ni Pangulong Rodrigo Duterte mamaya ang dalawang Pinoy gold medalists na sina Carlos Yulo at Nesthy Petecio.

Si Yulo ang nakasungkit ng gintong medalya sa 49th Artistic Gymnastics World Championships habang si Petecio naman ang nakakuha ng gold medal sa AIBA Women’s World Boxing Championship.

Mangyayari ang paghaharap mamayang hapon bago puntahan ng Chief Executive ang isa pa niyang event na gagawin naman sa Taguig.

Wala pa namang kumpirmasyon kung daragdagan ng Pangulo ang tig-P1-milyong pisong incentive mula sa Philippine Sports Commission para sa dalawang atleta pero ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, generous naman ang Punong Ehekutibo.

Matatandaan nang nanalo si Hidilyn Diaz ng silver medal sa weightlifting competitions sa Rio De Janeiro Olympics ay nagbigay ang Presidente ng P2-milyong pisong incentive dito.

September 2018 nang magbigay din ng incentive ang Pangulo sa mga Filipino athletes na nanalo sa 18th Asian Games na ginawa noon sa Jakarta at Palembang, Indonesia.