Gobyerno ng Pilipinas, minarkahan na ang Philippine Rise

Eksaktong isang taon matapos ang pagpapalit ng pangalan nito ay giniit nang muli ng gobyerno ng Pilipinas ang karapatan sa Philippine Rise sa pamamagitan ng pagmamarka dito.

Kahapon, nagtungo ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Aquatic Fisheries Resources (BFAR) sa pinakamababaw na bahagi ng Benham bank para sa makasaysayang paglalagay ng unang boya sa labing tatlong milyong (13M) ektarya ng underwater plateau na Philippine Rise.

Ayon sa AFP Northern Luzon Command, nilagay ang boya mismo sa ibabaw ng unang flag marker na nilagay doon ng mga Filipino divers noong nakaraang taon.

Higit isang daang divers rin ang nakiisa sa paglalagay ng second flag marker sa karagatang sakop ng Philippine Rise.

Giit ni Department of National Defense (DND) Undersecretary Cardozo Luna, ang paglalagay ng Pilipinas ng boya sa Philippine Rise ay katumbas na rin ng pagsasabi sa buong mundo na pagmamay-ari natin ang naturang teritoryo at wala ng iba pang bansa ang maaaring umangkin dito.

Ito’y kahit tila wala namang ibang bansa ang umaangkin pa sa Philippine o Benham Rise sa ngayon.

Paliwanag ni Luna, pagsisiguro na rin ito ng pamahalaan lalo’t pabago-bago ang geopolitics ngayon.

Bahagi rin ng seremonya ang flag raising ceremony sa BRP Davao del Sur o LD 602 kung saan bumuo pa ng isang human flag formation ang ilang miyembro ng AFP at ibang ahensya ng gobyerno.

Dumaan at nagbigay rin ng military honors ang BRP Velasquez o ang research vessel ng Philippine Navy na may lulan sa mga sayantipikong nagsasagawa ng research sa Philippine rise. | via Nimfa Mae Asuncion