Gobyerno, naglaan na ng P1.163-B para sa proyektong elektrisidad sa mga kanayunan para sa susunod na taon

May pondo na ang National Electrification Administration (NEA) para sa mga proyekto nito na mabigyan ng elektrisidad ang mga kabahayan sa mga kanayunan sa susunod na taon.

Ayon kay NEA Administrator Edgardo Masongsong, kabuuang P1.163 bilyon ang inilaan ng national government para maipagpatuloy ang proyektong pailaw.

Gayunpaman mas mababa ang pondo para sa 2019 kaysa sa P1.817 bilyon na badyet na inilaan sa NEA ngayong 2018 para sa pagpapailaw sa 1,817 sitio.

Sa ngayon, kabuuang 19,740 sitio o 2.4 milyong kabahayan sa buong bansa ang hindi pa naaabot ng kuryente.

Base sa datos, may 12.447 milyong konsumer sa buong bansa ang nabiyayaan na ng elektrisidad ng NEA sa tulong ng 121 electric cooperatives.

Sa pinakahuling data ng NEA Information Technology and Communication Services Department, may 260,224 bagong consumer connections ang naitala na sa unang anim na buwan o 56 percent ng 460,000 corporate target para ngayong taon.

Ngayong buwan ginugunita ng NEA ang 9th National Electrification Awareness Month at 49th Founding Anniversary.  | ulat ni Rey Ferrer