Gobyerno kailangan maging maingat sa pagpapa-deport sa mga iligal na Chinese workers sa bansa – Pangulong Duterte

Pabor ang Pangulong Rodrigo Duterte na ipa-deport ang mga libo-libong Chinese national na iligal na naninirahan sa bansa para magtrabaho.

Subalit babala ng Pangulong Duterte kailangan maging maingat ang gobyerno sa paraan ng pagpapabalik sa kanilang sariling bansa sa mga dayuhang nakapasok sa Pilipinas.

Paliwanag ng Pangulo kung binabanatan natin ang China dahil sa pagpunta nito sa Pilipinas para magtrabaho, dapat din isipin na ganito ang ginagawa ng ating mga Overseas Filipino Worker (OFWs) sa ibang bansa.

Marami umanong Pilipino ang nagtratrabaho ngayon sa China pero wala naman pinapa-deport na Pinoy mula dito.

Kaya kailangan umanong magkaroon ng pagkakaayos upang maiwasan na lumala ang sitwasyon at maapektuhan ang magandang ugnayan ng mga nasyon.

Batay sa reports nasa 52,000 na mga Tsino ang pumapasok sa Pilipinas bilang tourists, subalit nabibigyan ng working permit para magtrabaho sa online gaming casinos.  | ulat ni Alvin Baltazar