Gobyerno, hindi pa magpapatupad ng price control sa mga bilihin ayon sa DTI

Wala pang planong magpatupad ng price control ang Department of Trade and Industry (DTI) sa kabila ng mataas na presyo ng bilihin sa mga pelengke gaya ng bigas at mga gulay.

Sa weekly economic briefing sa MalacaƱang ngayong araw, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na posibleng magkaroon ng mas masamang epekto ang pagpapatupad ng price ceiling ngayon kaya’t hindi pa nila ito kinokonsidera.

Sa ilalim aniya ng umiiral na price act ay binabantayan lamang ng DTI ang presyo ng mga bilihin at tinitiyak na hindi ito lalagpas sa Suggested Retail Price (SRP), at ang Department of Agriculture (DA) ang may hurisdikdyon sa price control at monitoring.

Sa ngayon ay may iba pa aniyang mga hakbang na maaaring gawin para matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin gaya ng pagbuhos sa palengke ng sapat o higit sa sapat na suplay ng produktong agrikultura.

Dagdag pa ni Usec. Castelo, bilang tulong ay magtatayo din umano ang DTI ng mga suking outlets na magtitinda ng mga agri-products na mas mababa ang presyo ng P20.00 kumpara sa mga palengke. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion