Gobernador ng Aurora Province, pinatawan ng 9 na buwang suspension ng Ombudsman

Inakusahan si Noveras na nagkaroon ng interes sa pag-aaward ng kontrata sa Remnant Builders para sa barangay site development project sa Sitio Tambulangan, Brgy. Nipoo, Dinalungan, Aurora noong October 2014.

Pinatawan na ng Office of the Ombudsman ng 9 na buwang preventive suspension ang gobernador ng lalawigan ng Aurora dahil sa kanyang kaso.

Ito ay may kaugnayan sa kasong Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service, na isinampa laban kay Aurora Province Gov. Gerardo Noveras.

Inakusahan si Noveras na nagkaroon ng interes sa pag-aaward ng kontrata sa Remnant Builders para sa barangay site development project sa Sitio Tambulangan, Brgy. Nipoo, Dinalungan, Aurora noong October 2014.

Ginamit aniya sa proyekto ang dump trucks na pagmamayari ni Noveras, kahit wala ito sa listahan ng isinumite ng Remnant Builders na mga gagamiting equipment sa proyekto.

Sa isinumiteng counter affidavit, iginiit ni Noveras na hindi niya alam na ginamit pala sa proyekto ang dump trucks pero hindi naman kumbinsido ang Ombudsman dito.

Unang inireklamo si Noveras sa Ombudsman ng grave misconduct at grave abuse of authority pero sa kasong conduct prejudicial to the best interest of service nakahanap ng basehan para siya ay suspindihin sa tungkulin. | via Rey Ferrer