Global Media Affairs, pinakikilos ng PCOO tuwing may travel advisory sa Pilipinas

Hinikayat ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang mga tourism leader na tumbukin ang mga lugar sa Pilipinas na may isyu sa seguridad.

Ito ay upang maiwasan aniya na madamay ang mga lugar na hindi naman dapat iwasan ng mga turista tuwing may inilalabas na travel advisory ang isang bansa.

Inihayag ni Andanar na kanyang aatasan ang bagong tatag na Office for Global Media Affairs para isulong ang mas patas na travel advisories.

Paliwanag ni Andanar na nadadamay kasi ang ekonomiya ng isang lalawigan o rehiyon kapag hindi specified ang travel advisory.

Ayon pa sa kalihim, isa sa mga pangunahing tungkulin ng Global Media Affairs ang makatulong sa mas maayos na tourism relations sa pagitan ng Pilipinas at ng iba’t ibang mga bansa.

Samantala, nakatakdang magtungo sa Bangkok, Thailand si Andanar para lagdaan ang Memorandum of Understanding sa Ministry of Information nito kaugnay sa journalism education exchange. | ulat ni Alvin Baltazar