Gitgitan ng dalawang bus sa EDSA-Kamuning, kamay ng pasahero nahagip

Kilala na ang pasahero ng bus na halos maputulan ng braso nang maipit sa pagitan ng dalawang bus na naggitgitan habang binagbagtas ang South bound lane ng EDSA sa Kamuning, Quezon City.

Ang pasaherong lalaki ay nakilalang si Daniel Malapit Morcoso, 29 taong gulang at taga-San Jose Del Monte City, Bulacan.

Dinala na sa East Avenue Medical Center ang sugatang pasahero ng mga nagrespondeng tauhan ng emergency rescue ambulance ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa inisyal na imbestigasyon, magkasabay na binabagtas ng dalawang bus ang EDSA nang magkagitgitan bago dumating sa kanto ng Kamuning at EDSA.

Sakay sa bandang huli ng upuan ng Mayamy Bus na may plakang UWJ 668 ang pasahero nang mahagip ang kanyang kanang braso ng kasabay na bus na Kellen aircon bus na may plakang UVX-682.

Nabatid na nakasampay sa bintana ang kanang braso ng pasahero at hinihinalang tulog pa nang mahagip ito.

Naka-impound na ang dalawang bus at iniimbestigahan na ang kaso ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4. | ulat ni Rey Ferrer