Ginawang aksyon ni Spox Panelo kaugnay sa aplikasyon ng executive clemency ni dating Calauan Mayor Sanchez, tama — PRRD

Walang nakikitang mali si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawang aksyon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kaugnay sa ipinadalang liham ng anak ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na humihingi ng rekomendasyon para sa aplikasyon ng executive clemency ng kanilang ama.

 

Matatandaan na ini-refer ni Secretary Panelo  sa Bureau of Pardons and Paroles ang liham na ito at hinayaang ang ahensya na ang gumawa ng desisyon kaugnay dito.

Ayon kay Pangulong Duterte, walang mali sa hakbang na ito ng kalihim.

Normal daw sa kanilang trabaho ang ginawa niya lalo’t abogado si Panelo.

‘Yung paghingi ng rekomendasyon ng pamilya ni Sanchez kay Panelo ay consequence lamang aniya ng pagiging abogado ni Panelo noon, at nagkataon lamang na naging tagapagsalita siya ng Pangulo ngayon.

Wala rin daw siyang nakikitang conflict of interest dahil, hindi naman si Panelo ang nagdesisyon dito.

Sinabi ng Pangulo na wala pa raw kalihim na  lumapit sa kanya at nagbulong para sa anumang pabor, at hindi raw ito karakter ni Panelo.

Sa huli sinabi ng Pangulo na nananatiling buo ang tiwala niya kay Panelo at maninindigan siya sa panig nito.