Gen. Sinas, 100% ang kumpiyansa kay Gen. Eleazar

Nagpahayag ng 100 porsiyentong kumpiyansa si outgoing Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Debold Sinas kay incoming PNP Chief Police Lieutenant General Guillermo Eleazar.

Kasabay nito, nanawagan si Sinas sa buong hanay ng PNP, na ibigay din kay Eleazar ang buong suporta katulad ng ibinigay sa kanya, sa nakalipas na anim na buwan niyang panunungkulan.

Umaasa naman si Gen. Sinas, na sa pamumuno ni Eleazar ay mapapanatili ang momentum ng mga programa at polisiya ng PNP.

Si Gen. Eleazar ay mistah ni Gen. Sinas sa Philippine Military Academy (PMA) “Hinirang” class of 1987.

Bago ang kanyang kasalukuyang pwesto bilang Deputy Chief for Administration, si Gen. Eleazar ay nanungkulan bilang Deputy Chief for Operations, The Chief, Directorial Staff, NCRPO Director, Regional Director ng Calabarzon, at Director ng QCPD, sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.