Gen. Parlade, di hihingi ng paumanhin sa kanyang warning sa aktres na si Liza Soberano

Nanindigan si National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lieutenant General Antonio Parlade, na wala siyang dapat ihingi ng paumanhin sa kanyang pagbibigay ng babala sa aktres na si Liza Soberano.

Ayon kay Parlade, nagbabala lang siya sa posibleng maging epekto ng pagkiling ng aktres sa Gabriela para hindi nito sapitin ang nangyari kay Josephine Anne Lapira, isang UP student na namatay sa engkwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) noong 2017.

Paliwanag ng opisyal, hindi red tagging ang kanyang ginawa at hindi niya rin umano inaabuso ang kapangyarihan niya sa pwesto, kaya walang dapat ireklamo.

Sa katunayan aniya, nagpasalamat pa sa kanya ang abugado ng aktres na si Atty. Juanito Jr. dahil sa pagbabala nito sa totoong kulay ng organisasyon.

Matatandaan, kahapon inulan ng batikos ang pahayag ni Parlade kay Soberano gayundin sa naging babala kay Miss Universe 2018 Catriona Gray na kritiko ng Anti Terror Law.