Gen. Albayalde: Hindi diversionary tactic ang “drug queen” issue

Umalma si Philippine National Police (PNP) Chief PGen Oscar Albayalde sa akusasyon ni Senator Richard Gordon na diversionary tactic ng PNP ang pagpapalutang sa isyu ng “drug queen”.

Espekulasyon ni Gordon, na posible itong paraan para ma-divert ang isyu mula sa mga “ninja cop”.

Sa isang panayam matapos ang kanyang testimonial parade sa Philippine National Police Academy (PNPA) nitong Sabado, iginiit ng PNP chief na hindi sila ang nagpalutang sa isyu ng “drug queen”.

Ang umano’y “drug queen” ng Sampaloc, Manila na si dating Brgy. Chairman Guia Gomez-Castro, ang umano’y nagbebenta ng mga droga na ni-recycle ng sindikato ng mga “ninja cop”.

Una na ring itinanggi ni Albayalde, na may sindikato ng mga ninja cop at sinabing ang mga pulis na sangkot ngayon sa pag-rerecycle ng droga ay pailan-ilan na lang at kumikilos sa kanilang sarili.

Magugunitang nai-ugnay ang pangalan ng PNP chief sa isyu nang lumutang ang “insinuation” na mayroon umanong mataas na opisyal ng PNP na protektor ng “ninja cops”.

Sinabi ni Albayalde, na handa siyang humarap sa Senado bukas, para linisin ang kanyang pangalan.