Gen. Albayalde, ‘di kailangang magbitiw sa pwesto

Naniniwala sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Panfilo Lacson na hindi na kailangang magbitiw sa pwesto o mag-leave si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde.

Ito ay sa gitna na rin ng pagkakadawit ng pangalan nito sa isyu ng diumano’y pagrerecycle ng ilegal na droga ng ilang Pampanga police noong siya ang nakaupo na provincial director taong 2013.

Ayon kay Senate President Sotto, dapat lang ipagpatuloy ni Albayalde ang kanyang trabaho at hindi naman nito kailangang mag-leave.

Ayon kay Sotto, dapat ay ipaubaya na lang sa NAPOLCOM at DILG ang pag-iimbestiga sa isyu at pagtukoy kung may pananagutan ba si Albayalde.

Naniniwala rin ang senador na hindi apektado ng isyu na ito ang kredibilidad ni Albayalde bilang PNP chief .

Samantalang sinabi naman ni Senador Ping Lacson, hindi praktikal na hakbang na paagahin ang retirement ni Albayalde na nakatakda na ngayong Nobyembre.

Bukod dito, wala pa rin naman aniyang matibay na ebidensyang direktang magkokonekta sa kanya sa ginawang kalokohan ng kanyang mga tauhan anim na taon na ang nakakaraan.