Gatchalian, suportado ang planong pagtatatag ng 3-man task force para sa Dengvaxia

Kinatigan ni Senador Win Gatchalian ang panukalang pagtatatag ng ‘3-man task force on Dengvaxia’ na binubuo ng mga banyagang dalubhasa o mga eksperto sa larangan ng medisina at syensya.
 
Sinabi ni Gatchalian na sinusuportahan niya ang ideya para malaman kung ang mga namatay ay may kaugnayan sa naiturok sa kanila na Dengvaxia anti-dengue vaccine.
 
Para sa senador, mas mainam umano na mga taga-labas ang susuri sa mga biktima para walang bahid-pulitika o influence.
 
Subalit, paglilinaw ni Gatchalian, tanggapin man natin o hindi ang magiging resulta ng pagsusuri ng itatatag na ‘task force on Dengvaxia’ ay kanya pa ring pinaninindigan na tama ang findings ng Blue Ribbon Committee na minadali ang pagbili ng Dengvaxia at minadali rin ang pagbibigay ng naturang gamot kahit na hindi pa nasusubukan.
 
Aniya, dapat naging metikoloso ang Department of Health sa pagbili at administrasyon ng bakuna.
 
Pero lumabas sa pagdinig na wala pa nga ang pera, meron ng purchase order.
 
Diin ni Gatchalian, ang dalawang mahalagang isyu na dapat resolbahin ay kung bakit minadali at ano ang koneksyon ng mga nangyaring pagkamatay sa Dengvaxia. | via Jojo Ismael