Gatchalian: Kailangan nang paghandaan ng Pilipinas ang karagdagang pangangailangan para sa natural gas

Tuwirang sinabi ni Senador Win Gatchalian na ngayon pa lang, dapat pinaghahandaan na natin ang pangangailangan ng bansa para sa karagdagang natural gas sa nalalapit na panahon.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, sa ngayon ay ang Malampaya pa lang ang ating pinagkukunan ng natural gas pero mauubos na umano ang Malampaya sa 2024 kung kaya’t ngayon pa lang pinag-uusapan na kung papaano maisasagawa ang pag-aangkat nito dahil sa malaking tipid ito para sa mga consumer.

Tinukoy ni Gatchalian, base sa pag-aaral ng Department of Energy, lumalabas na mas murang mag-import ng natural gas kaysa sa coal o karbon. At ang natural gas ay mas malinis at environment-friendly kaysa sa carbon.

Ngayon pa lang, giit ng mambabatas na paghandaan na natin ang pag-iimport ng natural gas sapagkat kailangan din ang pagtatayo ng mga pasilidad para sa kukuning natural gas. Ito’y liban lang umano kung may matutuklasan ang Pilipinas na bagong Malampaya.

Ani Gatchalian, dahil lalaki ang pangangailangan natin, tataas din ang demand kung kaya’t kakailanganin pa natin ng mas maraming natural gas. | ulat ni Jojo Ismael