Gatchalian: Kailangan ang sapat na kaalaman sa nuclear technology bago pumalaot ang Pilipinas sa paggamit ng nukleyar bilang source ng enerhiya

Naniniwala si Senador Win Gatchalian na kailangan ang kaukulang lehislasyon kung sakaling magdedesisyon ang bansa na gumamit ng nuclear power bilang isa sa mga sources ng suplay ng enerhiya.
 
Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, kailangang magpasa ang Kongreso ng isang comprehensive legal framework sa paggamit ng nuclear power, kabilang na rito ang para sa istraktura at kapangyarihan ng isang regulatory body, radiation protection, kaligtasan ng nuclear facility at marami pang iba.
 
Aniya, sa kasalukuyan, ang tanging nuclear energy body na mayroon ang Pilipinas ay ang Philippine Nuclear Research Institute sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST)
 
Nabanggit din ni Gatchalian na marami pang dapat matutunan ang Pilipinas mula sa mga advanced na bansa kaugnay ng pag-develop ng nuclear technology bilang isang power source.
 
Marami din aniyang mga isyu pa ang dapat na malaman ng bansa bago natin masabi na ang nuclear technology ay may tunay na potensyal bilang isang alternatibong mapagkukunan ng suplay ng enerhiya.
 
Kasalukuyang pinag-aaralan ng Department of Energy ang posibilidad ng pagdagdag ng nukleyar sa energy mix ng bansa. | via Jojo Ismael