Gatchalian, itinutulak ang sariling kakayahan ng bansa para gumawa ng armas, bala at iba pang gamit pandigma ng AFP

Nais ni Senator Win Gatchalian na pag-ibayuhin ng gobyerno ang kakayahang pangdepensa ng bansa sa pamamagitan ng pagsusulong ng sariling kakayahang  makagawa ng mga pangunahing armas, bala at iba pang gamit militar.

Ayon kay Gatchalian, ang Pilipinas ay maaring hindi magiging matatag  kapag patuloy itong umaasa na lang sa pag-aangkat ng mga kinakailangang gamit pangdepensa mula sa ibang bansa.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang Special Defense Economic Zone Act o ang House Bill No. 6525, sinabi ng mga defense official na tatlumpung porsiyento ng may 60 milyong piraso ng bala para sa taunang requirement ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay inaangkat pa ng Pilipinas mula sa Brazil, South Korea at Espanya.

Habang ang natitirang pitumpung porsiyento ay gawa na natin dito sa loob ng bansa kaya lang ang ilang sangkap para sa produksyon ng mga balang ito ay binibili pa rin natin mula sa ibang bansa.

Sa panukala, ang kasalukuyang government arsenal sa Camp General Antonio Luna sa Limay, Bataan ay babaguhin para maging isang Special Defense Economic Zone at itatatag ang Special Defense Economic Zone Authority, na siyang mangangasiwa sa panukalang economic zone na alinsunod sa AFP Modernization Law (RA 7898). | ulat ni Jojo Ismael