Gatchalian, iginiit ang pagkakaroon ng MOU sa pagitan ng Pilipinas at ng iba pang host country ng mga OFWs

Inirekomenda ni Senador Win Gatchalian sa administrasyong Duterte ang paggamit ng memorandum of understanding na nabuo sa pagitan ng Pilipinas at ng Kuwait bilang basehan para sa mga susunod pang kasunduan para sa proteksyon ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa iba pang mga bansa.

Paliwanag ni Gatchalian, batay sa inisyal na ulat mula kay Labor Secretary Silvestre Bello, ang Philippine-Kuwait Memorandum of Understanding ay kinapapalooban ng mga kongkretong safeguards para mahinto ang anti-labor practice na labag sa mga karapatan ng mga OFWs.

Kanyang inihalimbawa, sa naturang MOU, pinagbabawalan ang mga Kuwaiti employer mula sa pagkumpiska ng pasaporte ng isang OFW, siniseguro na ang employment contract ay alinsunod sa Philippine labor laws, at kailangan ang isang written consent ng kinauukulang OFW bago siya maaring ilipat sa ibang employer.

Diin ni Gatchalian na mahalagang igiit ng ating gobyerno ang pagbuo ng kahalintulad na kasunduan at ng mga host country ng ating mga OFW para sa kapakanan at proteksyon ng ating mga kababayang nangingibang bansa para magtrabaho. | via Jojo Ismael