Gatchalian, iginiit ang implementasyon ng UCT budget bilang solusyon sa pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo

Dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa, iginiit ni Senator Win Gatchalian ang agarang implementasyon ng unconditional cash transfer (UCT) budget para makatulong agad sa tao.

Ayon kay Senator Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang Pilipinas ay ang ikatlong may pinakamalakas na ekonomiya sa Southeast Asia subalit tayo naman ang may pinakamataas na inflation rate sa rehiyon na siyang humahatak pababa sa ating pag-unlad.

Dahil umano sa inflation at mas mahal na presyo ng mga bilihin, ang mga tao ay hindi namimili o hindi gumagastos at ito ang humihila pabalik sa ating pag-unlad.

Ang inflation ay huling naitala sa pinakamataas na 4.6 percent ngayong buwan.

Para kay Gatchalian, ang agarang solusyon ay kailangan nang maipatupad agad ang unconditional cash transfer budget sa halip na hintayin ang suspensyon ng excise tax sa produkto ng petrolyo.

Punto ng mambabatas, ang suspensyon ng excise tax ay matatagalan pa sapagkat kailangan pang gumawa ng Kongreso ng batas para dito.

Aniya, kailangan din natin ng isa pang quarter o ang third quarter sapagkat ang presyo ng langis ay nagsimula na namang bumaba at may mga pag-rollback na nangyayari. | ulat ni Jojo Ismael