Gatchalian, hinimok ang gobyerno na paghandaan ang inaasahang pagtaas pa sa presyo ng krudo sa global market

Hinimok ngayon ni Senator Win Gatchalian ang gobyerno na paghandaan na ang inaasahang pagtaas sa presyo ng produktong krudo na aabot sa $100 kada bariles sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, ramdam na ng mga Pilipino ang negatibong epekto ng mabilis na pagtaas sa presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Ito umano’y isang malinaw na senyales para sa ating gobyerno na napapanahon ang paghahanda para sakaling umabot na hanggang $100 kada bariles.

Sa ngayon, ang presyo ng langis ay nasa $79 na kada bariles, ang pinakamataas na marka simula noong Nobyembre 2014.

Noong nakaraang linggo, ibinabala ni Patrick Pouyanne, chief executive officer ng French Oil Company, na ang presyo ng langis ay maaaring umabot hanggang $100 kada bariles sa mga darating na buwan.

Bagay na nag-udyok kay Gatchalian na manawagan sa Department of Energy (DOE) na tamang ianunsyo ang inaasahang presyo ng crude oil sa loob ng susunod na anim na buwan at pangunahan ang paghahanda ng mga istratehiya upang maibsan ang hirap na dulot ng tumataas na presyo sa public utility drivers at private consumers.

Inaasahan din na ang presyo ng produktong petrolyo ay tataas ngayong linggo ng hanggang piso at animnapung sentimo kada litro para sa gasolina at piso at sampung sentimo bawat litro para sa diesel. | via Jojo Ismael