Gatchalian: Dapat kumilos na ang DTI para matigil na ang pananamantala ng mga negosyante sa Zamboanga City sa nararanasang rice shortage 

Nanawagan ngayon si Sen. Win Gatchalian sa Department of Trade and Industry (DTI) para pairalin ang kapangyarihan nito para masawata na ang hinihinalang pananamantala ng ilang tiwaling negosyante sa lungsod ng Zamboanga  sa nararanasang rice shortage o kakulangan sa suplay ng bigas sa kasalukuyan.

Ayon kay Sen. Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, makatarungan lang na mapatawan ng pinakamabigat na parusa nang naaayon sa batas ang mga tiwaling negosyante na mapatutunayang nagsasamantala  sa kasalukuyang rice shortage sa Zamboanga City.

Ang lungsod ng Zamboanga ay isinailalim na sa  state of calamity nang dahil sa rice shortage kung saan ang presyo ng bigas ay umaabot na hanggang P72 kada kilo.

Ayon kay Gatchalian, lumalabas ngayon na nasa 40,000 sako lang ng bigas  ang naipadala ng National Food Authority (NFA) sa Zamboanga City, na hindi umano makasasapat para sa pangangailangan ng mga residente sa lungsod.

Una nang inirekomenda ni Gatchalian ang pagbuwag ng NFA sa pagsasabi na ang isa sa mga problemang kanyang nakikita kung bakit kulang ang suplay at mataas ang presyo ng bigas ay ang operasyon mismo ng NFA.

Umano’y hindi maayos at hindi nagagampanan ng NFA ang responsibilidad nito.

Ipinunto pa ng mambabatas na ang NFA ay naging liability na o pasanin ng gobyerno matapos na patuloy ang pagbagsak ng rebenyu nito taun-taon. | ulat ni Jojo Ismael