Garment sector, nanawagang mapasama sa A4 priority group ng mababakunahan vs. COVID

Nananawagan ang garment sector sa bansa, na mapasama sila sa A4 priority list ng pamahalaan sa mga mababakunahan kontra COVID-19.

Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs, umapela si Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) Executive Director Maria Teresita Agoncillo, na mapasama sa priority group ng mga manggagawa ang kanilang factory workers.

Ayon kay Agoncillo, nagkakaroon sila ng kaso ng COVID-19 infection kada linggo sa kanilang mga lugar-paggawa, at malaki ang nagagastos nila sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon sa gitna ng COVID pandemic.

Samantala, tiniyak naman ni Senate Committee on Trade Chairperson Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel, na agad na tatalakayin ng kanyang komite ang mga panukalang batas, na layong ayudahan at suportahan ang manufacturers ng personal protective equipment (PPE) sa Pilipinas.

Pinangako ito ng senator sa Confederation of Philippine Manufacturers of Personal Protective Equipment (CPMP), matapos mabunyag na ang mga kumpanyang tumugon sa panawagan ng pamahalaan noong isang taon, na i-repurpose ang kanilang kumpanya para sa paggawa ng PPEs, ay nakakuha lang ng maliit na bahagi ng order mula sa gobyerno.

Ayon sa grupo ng mga local garment manufacturer, sa P4.8 billion procurement package na unang serye ng naging bidding ng Department of Health (DOH) at Philippine International Trading Corp. (PITC), 14 percent lang ng kontrata ang nakuha ng kanilang grupo.