Garantiya ng DICT na protektado ang cyber security ng bansa sa AFP-DITO MOA, welcome sa Palasyo

Ikinalugod ng Palasyo ang garantiya ng Department of Information and Communications Technology o DICT na hindi makokompromiso ang cyber security ng bansa sa pinasok na memorandum of agreement ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at DITO Telecommunity.

Nakasaad kasi sa pinirmahang agreement ang pagtatayo ng DITO ng cellsites sa mga kampo ng militar lalo at kasama sa consortium nito ang China-owned telecommunications company.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, tiwala silang sa pamamagitan ng safeguard measures ay walang magiging puwang upang masakripisyo ang cyber security interest ng bansa at walang mangyayaring breach of security kaugnay ng nalagdaang MOA.

Kabilang na dito ang pagpapatupad ng mahigpit na security clearances sa mga impormasyon upang masigurong walang papasok o lalabas na hindi otorisadong data sa military facilities sa gitna ng gagawing pagtatayo ng mga cellsites ng DITO telecommunity sa mga kampo ng militar.