Fully vaccinated senior citizens, dapat nang payagang lumabas — isang alkalde

Isinusulong ni ParaƱaque City Mayor Edwin Olivarez na payagan nang lumabas ng tahanan ang mga senior citizen na naturukan ng dalawang doses ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Olivarez, iminungkahi niya sa Department of Health (DOH) na makalabas na ang matatanda na 65-taong gulang pataas sa pamamagitan ng vaccination pass.

Pero wala pang sagot ang Health experts at kasabay nito ay iginiit ng alkalde na hindi pa dapat mag-relax sa minimum health protocols upang maiwasan ang pagsipa muli ng kaso ng COVID-19.

Idinepensa rin ni Olivarez ang pagsusuot ng face mask at face shield at ipinunto na 90 porsyento ang proteksyon lalo na kapag may ipinatutupad na physical distancing.

Nakadepende aniya sa mga eksperto kung hindi na oobligahin ang pagsusuot ng face shield at bilang local chief executives ay susundin nila ang rekomendasyon ng mga ito.

Sa datos ng City Health Office, 415 ang active cases ng COVID-19 na binabantayan sa ParaƱaque.