Full alert status sa lahat ng bilangguan sa bansa, itataas ng BJMP sa panahon ng Semana Santa

Kinansela na ng Bureau of Jail Management and Penology ang dayoff at bakasyon ng lahat ng jail personnel sa buong bansa ngayong panahon ng Semana Santa.

Ayon kay BJMP Spokesperson Jail Senior Inspector Xavier Solda, mula Marso 25 hanggang Abril 1, itataas na ng BJMP ang full alert status sa 481 jail facilities nito sa buong bansa.

Sa panahon ng Mahal na Araw, inaasahan na ang pagdagsa din sa bilangguan ng mga dalaw at mga kaanak ng mga preso para makasama sila sa pag-aalay ng panalangin.

Bagama’t walang binago sa visiting hours, paalala ni Senior Inspector Solda, bawal pa ring tanggapin bilang dalaw ang isang menor de edad.

Pagtiyak pa nito, habang ginugunita ng bansa ang Semana Santa mananatili silang nakabantay sa mga bilangguan laban sa anumang banta ng pagtakas ng mga bilanggo at iba pang masamang balakin. | via Rey Ferrer