Fixer sa PNP recruitment arestado, mga kasabwat tini-trace

Nagsasagawa na ngayon ng back-tracking ang Philippine National Police (PNP), para matukoy ang mga kasabwat umano ng naarestong fixer sa recruitment ng PNP.

Sa isang press conference sa Camp Crame, kinilala ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, ang suspek na si Evalyn Aleman Miparanum alyas Evah Fonda, may asawa nagtratrabaho sa Public Safety Savings and Loan Association Inc. (PSSLAI) bilang agent, at residente ng Bicutan, Taguig City.

Naaresto ito ng PNP Intergity Monitoring and Enforcement Group, sa isang entrapment operation sa Taguig, matapos tanggapin ang P50,000 marked money mula sa undercover na pulis.

Nag-aalok umano ang suspek sa panamagitan ng kanyang Facebook account ng tulong, sa pagpasa ng neuro-psychiatric exam ng mga aplikante sa pagka-pulis sa halagang P50,000.

Ayon kay Eleazar, iniimbestigahan ngayon ng PNP ang sinasabi ng suspek na kasabwat niyang colonel sa PNP Health Service, at maging ang asawa nito na isa ring pulis.

Magugunitang inilunsad ng PNP ang kanilang Comprehensive Online Recruitment Encrypting System (CORES), upang masiguro na wala nang palakasan at padrino-system sa recruitment ng mga pulis.