Fixed broadband at mobile internet sa bansa, bumilis pa noong April — Ookla

Mas bumilis pa ang fixed broadband internet at mobile internet sa Pilipinas.

Ito ay batay sa April Ookla Speedtest Global Index report na inilabas kamakailan.

Mula sa 46.25Mbps noong March, ay nakapagtala ng 49.31Mbps sa fixed broadband speed nitong April.

Habang ang mobile speed naman ay tumaas sa 29.12Mbps nitong April, kumpara sa 25.43Mbps noong March.

Katumbas ito ng monthly increase na 6.62 percent para sa fixed broadband, at 14.51 percent na pagtaas para sa mobile.

Ang average download speed para sa fixed broadband ay tumaas ng 523.38 percent, mula nang magsimula ang administrasyong Duterte noong July 2016.

Ang mobile internet naman ay nakapagtala ng 291.40 percent increase mula din sa nasabing petsa.

Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 2020, na madaliin ang pag-iisyu ng local government units permits para sa pagtatayo ng cellular towers.

Noong March 8, 2021, ay pormal na ring inilunsad ang operasyon ng DITO Telecommunity sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.

Target ng third telco sa bansa na maserbisyuhan ang Metro Manila sa kalagitnaan ng 2021.

Bunsod ng pagpasok ng DITO sa telco market competition, ay inaasahan ang lalo pang pagbuti ng serbisyo ng internet sa bansa.

Masusi ding binabantayan ng pamahalaan ang performance ng mga Telco sa bansa, dahil sa utos ni Pangulong Duterte na panatilihing maayos ang telco services, lalo na ang internet speed upang makasabay ang Pilipinas sa mga kalapit bansa sa Southeast Asia.