Financial statement ng Maynilad, Manila Water, dapat buksan sa publiko — isang kongresista

Muling hinamon ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang Maynilad at Manila Water na gawin bukas sa publiko ang kanilang financial statement.

Kasunod pa rin ito ng pahayag ng dalawang water concessionaire na malaki ang nalugi sa kanila dahil sa hindi pagpayag ng pamahalaan sa kanilang water rate increase.

Ayon kay Atienza, base sa impormasyon na nakatala sa Philippine Stocks Exchange, mula P350-million noong 1998 ay umakyat sa P1.7-billion noong 2018 ang bahagi ng kanilang net profit.

Inamin rin mismo ng dalawang kumpanya sa nakaraang pagdinig na nakakapagbayad pa sila ng dibidendo sa kanilang mga stock holders.

Dagdag ni Atienza na hindi siya titigil sa pagkalampag sa dalawang kumpanya hangga’t hindi nito ipinapakita ang kanilang financial standings.