Financial literacy ang kailangan ng mga Pilipino upang hindi mabiktima ng ibat-ibang scam, ayon sa isang senador

Sa kabila ng pag-usad ng ekonomiya ng bansa, sinabi ng isang senador na kailangan pa rin mapaghusay ang financial literacy ng mga Pilipino upang sila’y makaiwas na maging biktima ng scams.

Ayon kay Senador Sonny Angara, nadiskubre kamakailan na halos isang bilyong piso ang naglaho nang dahil sa Bitcoin investment scam, na indikasyon na ang mga Pilipino ay kulang pa rin sa financial literacy o kaalaman sa pananalapi kung kaya’t marami pa rin sa kanila ang nabibiktima ng mga mang-gagantso na nangangako ng napakalaking tubo sa loob ng napakaiksing panahon.

Nung Abril 4, inaresto ng mga pulis ang mag-asawang Arnel at Leonady Ordonio matapos na ireklamo ng mga investors na umano’y niloko sila ng mag-asawa sa pamamagitan ng pag-i-invest sa Bitcoin.

Ang mag-asawang Ordonio ay nakalimas diumano ng may P900 milyong piso sa cryptocurrency investments mula sa kanilang mga biktima.

Ani Angara, ang ganitong scams ay paulit-ulit na lang kung hindi ito agad na masosolusyonan.

Si Angara ang may-akda ng isang batas na nagdedeklara sa pangalawang linggo ng buwan ng Nobyembre ng lahat ng taon bilang “Economic and Financial Literacy Week” upang mapukaw ang pambansang kamalayan sa economic at financial literacy.

Hinihikayat sa batas ang Department of Education na tumulong sa pagrebisa ng high school economic curriculum upang masiguro na ang economic at financial education ay maging bahagi ng mga aralin ng mga mag-aaral. | via Jojo Ismael