Final say para sa martial law extension sa Mindnao, nasa Kongreso pa rin – Palasyo

Aminado ang Palasyo na nasa kamay pa rin ng Kongreso kung magkakaroon muli ng panibagong martial law extension sa Mindanao.

Ito’y kahit aprubahan pa ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng batas militar sa rehiyon.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, gustuhin man ng Commander-in-Chief na mapahaba ang martial rule sa Kamindanawan pero ayaw naman ng Kongreso, wala ring magagawa ang ehekutibo.

Batay kasi sa isinasaad ng Konstitusyon, binibigyan ng kapangyarihan ang Kongreso para magbigay ng ‘go signal’ o kapahintulutan para sa pagpapatupad ng martial law o extension nito.

Ang kailangan lang ay makumbinsi ng Palasyo ang mga mambabatas kung bakit kailangan ng isa pang extension, at ito’y sakali mang sundin ng Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa ikalawang batch ng pagpapalawig ng martial rule sa Mindanao.  | ulat ni Alvin Baltazar