Nanindigan ang Food and Drug Administration na libre at de-kalidad ang mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Ito’y sa gitna ng usapin sa bentahan ng slot para sa pagbabakuna, at patuloy na paghihikayat sa mga Pilipino na nag-aalangan na magpabakuna.
Sinabi din ni FDA Deputy Director General Oscar Gutierrez na dumaan sa masusing pag-aaral ang bawat bakuna, bago payagan na magamit sa bansa.
Sa 7 bakuna na nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ay 4 na ang ginagamit ngayon, kabilang na ang gawa ng Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V, at Pfizer.
Nasa 3 naman ang mayroon nang EUA pero hinihintay pa ang pagdating ng supply, kabilang na ang gawa ng Moderna, Johnson & Johnson at ng COVAXIN.