Face to face graduation ceremony, bawal pa rin — DepEd

Pinaalalahanan ngayon ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan, na gawing virtual pa rin ang kanilang End of School Year Rites para sa School Yr 2020-2021.

Bawal pa rin umano ang pagdadaos ng face to face graduation at recognition, bilang pag-iingat sa mga mag-aaral, guro, kawani, at mga magulang, sa gitna ng nananatiling COVID-19 pandemic.

Sa inilabas na memorandum ng DepEd, nakasaad na sa July 10 ay matatapos ang quarter 4 ng school year, kaya naman maaaring idaos na mula July 12-16, 2021 ang virtual end of year rites ng mga pampublikong paaralan.

Ayon sa DepEd, mas mainam kung magkakaroon lang ng maikling programa sa virtual graduation na hindi lalagpas ng dalawang oras, upang hindi masyadong mahirapan sa internet connection na kakailanganin ng mga mag-aaral para makadalo rito.

Tanging mga completer, mga magulang o guardian, mga guro at school administrators lang ang dapat na sumama sa virtual rites.

Maaari naman din umanong i-livestream ang naturang seremonya, basta may pahintulot ng mga magulang at learners.