Face-to-face classes, di kakayanin kung di mababakunahan ang mga kabataan — NTF against COVID-19

Sang-ayon si National Task Force against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na hindi uubrang magkaroon ng face-to-face classes hangga’t walang pagbabakuna sa mga kabataan.

Sinabi ni Galvez na batay sa pakikipag-usap nila sa mga eksperto sa kalusugan, kailangan munang makapagbakuna ng kahit 50% hanggang 70% ng kabuuang populasyon ng bansa para makamit ang population protection.

Sa ganitong paraan, magkakaroon ng kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte na mapayagan na ang pagkakaroon ng face-to-face classes.

Sa huling yugto pa ng taon o sa fouth quarter pa ani Galvez nila pinaplanong makapagbakuna sa may higit 30 milyong  mga kabataang Pilipino o mga nasa 12 hanggang 17-taong gulang.

Ito ay kapag naging stable na o sapat na ang makukuhang suplay ng bakuna lalo na ang Pfizer na siya lamang brand na pwedeng ibigay sa mga kabataan.

Plano ng Department of Education na opisyal na buksan ang school year 2021-2022 sa huling linggo ng Agosto ngayong taon.