Extension ng Martial Law sa Mindanao, suportado ng lahat ng LGUs at National League of Local Governments sa Mindanao

Suportado ng lahat ng Local Government Units  (LGUs) at ng National League of Local Governments sa Mindanao ang extension ng  Martial Law sa rehiyon.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Jonathan Malaya, lahat ng LGUs sa Mindanao, kabilang ang umbrella organization ng LGUs, ang Union of Local Authorities in the Philippines, ang nagpahayag na ng suporta sa pagpapalawig ng Martial Law.

Sinabi ni Malaya, wala silang naririnig na anumang pagtutol sa sinumang local chief executive doon lalo pa’t ngayon ay napapaganda na ang peace and order sa kanilang lugar.

Napapanahon din aniya ang extension ng Martial Law dahil inaasahan nang maging mainit ang political rivalries sa paparating na mid-term elections.

Sinabi naman ni Philippine Councilors League National Chairperson Danilo Dayanghirang, ang implementasyon ng Martial Law ay nagbigay daan sa iba’t ibang developments sa rehiyon.

Aniya, kakaunti lamang ang tumututol dito na pawang mga kritiko ng administrasyon.

Naniniwala ang DILG na habang umiiral ang Martial Law sa Mindanao, nararamdaman ang paglago ng ekonomiya at patuloy na pagbaba ng crime rate doon.  | ulat ni Rey Ferrer