Executive Secretary Medialdea, magsisilbing caretaker habang nasa South Korea si Pangulong Duterte

Magsisilbing officer in charge si Executive Secretary Salvador Medialdea habang nasa South Korea si Pangulong Rodrigo Duterte para sa isang official visit.

Sa pamamagitan ng Special Order number 511 na nilagdaan kahapon, magsisilbing caretaker si Medialdea sa panahong out of the country ang Presidente.

Si Pangulong Duterte ay bibisita sa South Korea mula Hunyo 3 hanggang Hunyo 5.

Ang kautusang ito ng Pangulo ay para matiyak ang pagpapatuloy ng serbisyo sa gobyerno habang wala siya sa bansa.

Nakaatang kay Medialdea ang responsibilidad para sa araw-araw na operasyon ng Office of the President at siya ring mamamahala sa general administration ng Executive Department.

Kaugnay nito ay inaatasan ng Pangulo ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na makipagtulungan kay Medialdea sa lahat ng pagkakataon, habang wala siya sa bansa. | ulat ni Alvin Baltazar