Ex-Sec. Aguirre, Baguio Mayor Magalong, iimbitahan sa GCTA law probe

Iimbitahan ni Senate Blue Ribbon Committee chairperson Richard Gordon si dating Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre sa susunod na pagdinig ng Senado tungkol sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Ayon kay Gordon, itatanong niya kay Aguirre kung naipatupad ba nito noon ang DOJ  Department Order 953, na nagre-require sa pirma ng DOJ secretary para mapalaya ang mga bilanggo na nakulong dahil sa heinous crime.

Posible rin aniyang imbitahan ng senador ang isa pang dating justice secretary na si Senator Leila De Lima upang sumagot rin sa mga katanungan.

Inilabas ang Department Order 953 noong November 2015 sa panahon ni Justice Secretary Benjamin Caguioa.

Bukod sa mga dating justice secretary, balak ring imbitahan sa pagdinig si dating PNP CIDG chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Plano namang itanong ng senate blue ribbon committee chairperson kay Magalong, ang tungkol sa hindi pagsali ng CIDG sa mga raid na ginawa sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) noong panahong DOJ secretary pa si De Lima.

Kinumpirma naman ni Magalong na dadalo siya sa pagdinig ng senado.

Sa Huwebes ng umaga itutuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang senate inquiry tungkol sa kontrobersiyal na GCTA law at iba pang anomalyang natuklasan sa loob ng Bilibid.