Ex-convict, patay sa buy-bust op sa GMA, Cavite

Napatay ang isang ex-convict nang makipagbarilan ito sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation sa GMA, Cavite kaninang alas-12:35 ng madaling araw.

Sa ulat ng GMA Municipal Police Station na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang suspek na si Perk Lebrojo, 38, residente ng Brgy. Pob. 2, GMA, Cavite, na nakalista sa Intelligence Report bilang isang drug pusher.

Nakahalata umano ang suspek na pulis ang kanyang ka-transaksyon matapos na pagbentahan ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P300 ang poseur-buyer, kaya biglang bumunot ito ng baril at pinaputukan ang pulis.

Tinamaan ang pulis pero naka-suot ito ng ballistic vest kaya nagawa pa niyang gumanti ng putok at tamaan ang suspek.

Dinala ang suspek sa GMA CARSIGMA hospital kung saan ito idineklarang dead on arrival.

Narekober sa suspek ang tatlong pirasong  P100  bills marked money, apat na sachet ng shabu , dalawang sachet ng marijuana, isang itim na motorsiklo na may plakang WA4430, isang 9MM Daewoo pistol serial no. BA0033691, na loaded ng limang bala.