Ex-BuCor Chief Faeldon, nanindigang unang beses niyang narinig ang ‘GCTA for sale’ sa BuCor

Nanindigan si dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon na unang beses lamang niyang narinig ang tungkol sa nangyayaring diumanong bayaran para lamang makalaya nang mas maaga ang mga bilanggo, gamit ang good conduct time allowance (GCTA).

Ayon kay Faeldon, nais niyang maiyak nang marinig niya ang testimonya ng witness sa pagdinig kagabi, dahil araw-araw aniya siyang nagtatrabaho noon para ayusin ang kagawaran.

Kaya naman kung totoo aniya ang mga rebelasyon ng tumayong witness, giit ni Faeldon, mas masahol pa sa heinous crime ang ginagawang iligal na kalakaran.

Ito aniya ay dahil hinihingian ng pera, maliit man o malaki ang mga preso, na maituturing na pinakamababang uri na miyembro ng ating komunidad, gayung ang trabaho dapat ng mga taga-BuCor ay ang protektahan sila.

Dapat aniya sa mga taong sangkot sa iligal na transaksyong ito ay bitayin.

Masama aniya ang loob ng dating BuCor chief, dahil maraming inosenteng tao ang napapahamak.