Evacuation sa shoreline ng mga bayan ng Laurel at Agoncillo Batangas, inirekomenda ng Phivolcs

Inatasan na ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na magsagawa ng paglilikas sa mga residente na malapit sa Lawa ng mga bayan ng Agoncillo at Laurel.

Kasunod ito ng rekomendasyon ng Philippine Volcanology and Seismology o Phivolcs sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na ilikas ang mga Batangeno na naapektuhan ng pagputok ng Taal Volcano kaninang hapon.

Partikular na tinukoy ng Phivolcs ang mga Barangay ng Boso-Boso at Lakeshore Bigaan East sa bayan ng Laurel at mga Barangay ng Banyaga at Bilinbinwang sa bayan ng Agoncillo.

Ang apat na barangay a ito ang tinukoy ng Phivolcs na pinakamalapit sa Taal Volcano na posibleng makaranas ng malalang sitwasyon.

Dahil dito, agad nagpadala ng mga truck si Gov. Mandanas sa Laurel at Agoncillo upang ilikas ang mga residente doon.

Dadalhin ang mga ililikas sa mga evacuation centers na nasa Provincial Sports Complex sa Batangas City.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PDRRMO ng Batangas sa Laguna at Cavite upang buksan ang kanilang mga evacuation centers sakaling lumala pa ang sitwasyon.

Kaninang alas 3:16 ng hapon, itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang estado ng Taal Volcano matapos tumaas ang magmatic unrest ng bulkan kayat nag generate ito ng isang short-lived dark phreatomagmatic plume na may 1 kilometro ang taas na wala namang kasabay na volcanic earthquake.

Ayon sa Phivolcs, nagkaroon ng magmatic intrusion sa Main Crater ng bulkan na maaaring magdulot ng susunod pang pagsabog.

Walang sinuman ang pinapayagang pumasok sa buong Volcano Island na isang Permanent Danger Zone.

Pinapayuhan din ang mga komunidad na nasa paligid ng Taal Lake shore na maging mapagbantay at mapagmasid sa paligid dahil sa inaasahang lakewater disturbances dahil sa pag aalboroto ng bulkan