EU, maghahatid ng mahigit ₱60-M humanitarian aid para sa typhoon Rolly victims

Inanunsyo ng European Union sa Brussels ang pagkakaloob ng rapid at humanitarian aid na nagkakahalaga ng €1.3-million euros o ₱63-million pesos para sa mga nasalanta ng bagyong Rolly sa bansa.

Ayon kay EU Commissioner for Crisis Management Janez Lenarčič, ang kontribusyon ay magsisilbing emergency relief assistance para sa mga pamilyang naapektuhan ng super typhoon.

Ihahatid ang financial aid sa pamamagitan ng humanitarian partners na naka-deploy sa lugar para suportahan ang mga pamilyang nangangailangan ng tahanan, pagkain, livelihood assistance, healthcare at malinis na tubig.

Hindi lamang aniya ito makatutulong sa pangangailangan ng mga biktima kundi para muling maitayo ang kanilang mga tirahan at kabuhayan na sinira ng kalamidad.

Kasabay nito ang pagpapahayag ng pakikiisa ng EU sa mga nasalanta ng bagyong Rolly na kumitil ng 20 buhay at puminsala sa agrikultura at imprastraktura na nagkakahalaga ng tinatayang anim na bilyong piso.

Ang pondong ginamit ay bahagi ng Acute Large Emergency Response Tool ng EU para sa mga kalamidad na may apektadong 100,000 indibidwal o 50 percent ng populasyon na inilalaan sa loob ng 24 hanggang 48 oras.

Una nang nagpadala ang EU ng humanitarian aid expert para magsagawa ng assessment sa sitwasyon at pangangailangan ng mga residente sa lugar.