Espesyal na misa isasagawa sa Manila Cathedral para sa pagsalubong sa pilgrim relics ni St. Therese

Ito na ang ika-apat na pagkakataon na bumibisita sa Pilipinas ang centennial reliquary ni St. Therese na magtatagal hanggang sa May 31 bago naman ito dalhin sa iba pang bahagi ng mundo para masilayan ng bilyun-bilyong Katoliko.

Espesyal na misa isasagawa sa Manila Cathedral para sa pagsalubong sa pilgrim relics ni St. Therese na ika-apat na beses nang bumibisita sa Pilipinas.

Magsasagawa ngayong araw na ito ng espesyal na misa ang Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila sa pagsalubong sa pilgrim relics ni St. Therese of the Child Jesus.

Sa abiso ng Archdiocese of Manila, ganap na alas-6:00 mamayang gabi magaganap ang Eucharistic Celebration sa pagdating ng material remains ng santo.

Kasabay nito ang paghikayat ng Simbahang Katolika sa partisipasyon ng mga Katolikong deboto sa misa kung saan bibigyan sila ng mga rosas at ng mga kopya ng Novena booklet ni St. Therese.

Una dito, mula sa Carmelite Monastery sa Gilmore, Quezon City bandang alas-8:00 ng umaga kanina dinala na ang pilgrim relics sa Our Lady of Penafrancia Parish sa Diocese of Cubao.

Sinundan ito ng paglilipat ngayong alas-10:00 ng umaga sa San Fernando De Dilao Parish sa Paco, Maynila bago ito dalhin sa Manila Cathedral pasado alas-5:00 ng hapon.

Magdamag namang bubuksan sa publiko ang katedral para sa mga kababayan na nais makita at magdasal sa relics ni St. Therese na nakalagay sa reliquary na yari sa South American Jacaranda hardwood, mga metal na yari sa gold at solid silver.

Ito na ang ika-apat na pagkakataon na bumibisita sa Pilipinas ang centennial reliquary ni St. Therese na magtatagal hanggang sa May 31 bago naman ito dalhin sa iba pang bahagi ng mundo para masilayan ng bilyun-bilyong Katoliko. | via Shane Juan