Esperon: Tanging ang Pilipinas ang kinikilalang may sovereign rights sa Benham Rise!

Bagama’t may pagtatalo kung ang Benham Rise o Philippine Rise ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na walang duda na ang Pilipinas lamang ang may sovereign rights sa naturang lugar.

Sa pagdinig ngayon ng Senate Committee on Science and Technology, sinabi ni Esperon na malinaw sa United Nations Convention on the Law of the Seas o UNCLOS na mayroon tayong sovereign rights sa Benham o Philippine Rise.

Ang pahayag ni Esperon ay sinang-ayunan ni Foreign Affairs Assistant Secretary Lourdes Yparaguirre sa pagsasabi na ang sovereign rights ng Pilipinas sa Benham Rise ay kinikilala at nirerespeto ng China at wala ding ibang bansa ang umaangkin dito.

Pero, para kay Atty. Jay Batongbacal, na siyang director ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, makabubuting sabihin ng ating pamahalaan na atin ang Benham Rise para maiwasan ang kalituhan kahit pa sovereign rights lang ang meron tayo. | via Jojo Ismael