Esperon, nagpatutsada sa mga kritiko ng administrasyon hinggil sa isyu ng West Philippine Sea

Binuweltahan ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon ang kritiko ng administrasyon hinggil sa mga banat ng mga ito patungkol sa West Philippine Sea.
 
Ayon kay Esperon hindi bibitawan ng administrasyong Duterte ang pangunahing baraha nito sa West Philippine Sea na ruling ng permanent court of arbitration.
 
Paliwanag ng opisyal, inuuna lang ng pamahalaan ang peace, stability at cordial relation sa mga kaibigang bansa gaya ng China at ASEAN countries.
 
Pero binigyang diin ni Esperon na itutulak ng pamahalaan ang nasabing ruling sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte at hinding hindi nila ito aabandonahin.
 
Katunayan aniya ay tuwing Martes ay nagpupulong ang Task Force on West Philippine Sea para pag-usapan ang mga nararapat na aksyon sa naturang isyu.
 
Sinabi nito na ginagawa nila ang mga suhestyon ng mga kritiko na diplomatic protest, sadyang hindi lang ito naipapahayag sa publiko.
 
Dagdag pa nito, bagama’t huling opsyon ng bansa ang giyera hindi dapat mabahala ang publiko dahil prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng taumbayan. | via Lorenz Francis Tanjoco