Escudero: Kapalaran ng ‘Endo’, nakasalalay sa magiging pagpapasya ng Kongreso

Kaisa si Senador Chiz Escudero sa mga nanawagan sa Senado at Kamara para ipasa ang isang batas na tutuldok sa contractualization at magpapalakas sa seguridad ng trabaho para sa mga manggagawa.

Sinabi ni Escudero na ang bola ay nasa kamay na ngayon ng Kongreso makaraan ang pag-isyu ng Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na nagbabawal sa illegal contracting at sub-contracting.

Ayon kay Escudero, ang contractualization ay hindi naman talaga ipinagbabawal sa ilalim ng Labor Code, subalit, maari ito i-regulate o kaya’y tuwirang ipagbawal ng ehekutibo.

Maliwanag aniya sa batas, na nasa pagpapasya ng ehekutibo ang patungkol sa contractualization. At dahil nilagdaan na ng Pangulong Duterte ang EO, ito umano’y senyales na kanyang gustong sabihin na nasa Kongreso na ang pagasasabatas ng pagpapahinto ng contractualization sa bansa.

Kung sa bagay, ani Escudero, trabaho na ng Senado at ng Kamara ang pagsasabatas ng pagpapahito ng ‘Endo’ o ng contractualization.

Dagdag pa ng senador na ang Labor Code ay naka-ilang beses na ring naamiyendahan, pero, ang probisyon ukol sa contractualization ay hindi ginagalaw, kung kaya’t napapanahon na umano para magdesisyon ang Kongreso kung tutuldokan na ang ‘Endo’ ngayon, simula sa Duterte administration. | via Jojo Ismael