Epekto sa mga magsasaka ng Rice Tariffication Act, tinalakay ng Kamara

Umapela ang ilang grupo ng magsasaka sa Kamara para pag-aralan ang pagpapatupad ng Rice Tariffication Act.

Sa gitna pa rin ito ng patuloy na pagbaba sa presyo ng bentahan ng palay.

Hinaing ng mga magsasaka, bumagsak na sa P8 ang bentahan ng kanilang palay.

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipino Chairman Emeritus Rafael Mariano, isa sa mga pabigat para sa mga magsasaka ay ang mataas na production cost na umaabot sa P12 kada kilo.   Mas mataas kumpara sa production cost ng mga karatig bansa sa Asya na nasa P6 to P8 pesos lang.

Panawagan naman ni Atty. Danny Yang ng Ugnayan ng Magsasaka ng Nueva Ecija, imbestigahan ang posibleng kuntsabahan sa pagitan ng mga rice traders para ipitin ang mga magsasaka na dahilan ng napakababang presyo ng bilihan ng palay.

Sana rin aniya ay magkaroon ng dagdag na drying facility ang National Food Authority (NFA) para mapagpatuyuan ng mga palay na nabasa dahil naabutan ng ulan.

Hinimok naman ni Atty. Elias Insiong ng United Broilers Raisers Association na magkaroon ng datos ang Department of Agriculture hinggil sa tamang bilang ng mga ini-import na bigas sa bansa.

Pagtitiyak naman ni Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan, ngayong Setyembre ay inuumpisahan na ng kagawaran ang pag-roll out ng mga programa sa ilalim ng RCEF.

Kabilang dito ang pag-validate ng master list ng mga magsasaka na bibigyan ng mga binhi, pagsisimula ng bidding process sa mga machinery, training programs at ang pagtanggap sa application ng mga kooperatiba para sa pautang.

Sinabi rin ni Cayanan na kumuha na sila ng isang sistema para ma-monitor ang pagpasok ng mga imported na bigas ngunit habang wala pa ito, kanilang hihingin ang shipping manifesto.

Bukod dito, inilunsad na rin aniya ang SURE Aid program na magbibigay ng pautang sa mga piling magsasaka na may zero interest at payable sa loob ng walong taon.

Dumalo naman sa briefing si Cabinet Secretary Karlo Nograles na nangakong agad ipaparating sa Pangulo at economic managers ang mungkahi at hinaing ng mga magsasaka upang makagawa ng karampatang aksyon.