Epekto ng sulfur dioxide mula sa bulkang Taal, pinatututukan sa Batangas LGUs

Pinaalalahanan ng Office of the Civil Defense (OCD) ang CALABARZON provincial, city at municipal disaster risk reduction and management offices, na pag-ibayuhin ang pagbabantay sa kalagayan ng bulkang Taal.

Kasunod ito ng pagbuga ng bulkan ng sulfur dioxide sa mga nakalipas na araw, kabilang ang record-high na 9,911 tonelada noong June 10.

Sa inilabas na pahayag ng OCD, pinatitiyak nito sa DRRM Councils na gawin ang nararapat na aksyon, para maiwasan o malimitahan ang epekto ng pagbuga ng sulfur dioxide o asupre mula sa bulkan.

Bukod sa pagkasira ng pananim ay maaari kasi itong magdulot ng pangangati ng lalamunan at masamang epekto sa kalusugan, bunsod ng masangsang na amoy.

Ipinunto ng ahensya, na ang pananahimik ng pagyanig o volcanic tremor at iba pang aktibidad ay nagsisilbing babala, hindi lamang sa pagliligalig ng magma kung hindi sa direktang epekto ng gas emission sa populasyon at ekonomiya.

Payo naman ng OCD sa publiko, huwag maniwala sa fake news at manatiling updated sa impormasyon mula sa surveillance at warning agency, na may totoo at opisyal na datos ukol sa usapin.