Epekto ng re-enacted budget, tinalakay sa unang Cabinet meeting ng Pangulong Duterte sa 2019

Pinangunahan ni President Rodrigo Duterte ang unang Cabinet meeting ngayong taon sa Aguinaldo State Dining Room sa Malacañang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, kabilang sa mga natalakay sa naturang pulong ay ang mga posibleng epekto ng pagpapatupad ng re-enacted budget.

Kabilang na umano dito ang pagkaka-delay sa implementasyon ng salary increase ng mga empleyado ng gobyerno tulad ng guro, pulis at sundalo.

Pinaghahandaan din umano na epekto ng hindi pagkakapasa ng 2019 Budget ang pagkabalam ng mga infrastructure programs at paghahatid ng basic social services.

Muli din iginiit ng Pangulong Duterte sa kanyang gabinete ang kahalagahan ng pagbuo ng bagong ahensiya na tututok lamang sa disaster management sa oras ng kalamidad.

Ito ay kasunod ng naging pagsalanta ng bagyong Usman sa bansa kung saan nagbigay din ng mga pag-uulat sa pangulo ang ga concerned agencies kaugnay sa kabuuang epekto nito sa naapektuhang lugar.

Maayos naman umanong natapos ang meeting kung saan ikinatuwa nito ang pagkakaroon ng average inflation rate na 3.6% sa ilalim ng Duterte Administration na pasok sa target ng gobyerno na 2-4%.   | ulat ni Alvin Baltazar