EO 139 para sa death at burial benefits ng Indigenous People Mandatory Representatives sa brgys., nilagdaan ng Pangulo

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order no. 139 o ang kautusang nagpapahintulot sa pagbibigay ng death at burial benefits sa Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMR) sa mga barangay, na nasawi sa loob ng kanilang termino o panahon ng panunungkulan.

Sa ilalim ng EO, binigyang diin ang pangangailangan na kilalanin ang kontribusyon ng IPMR sa mga barangay, sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyo na tinatamasa rin ng kapareho nilang opisyal.

Inatasan ang Department of the Interior and Local Government (DILG), na makipagtulungan sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at Department of Budget and Management (DBM), na alamin ang halaga na magko-cover sa death at burial benefits ng IPMR at bayaran ito.

Pinasasama na rin ito sa annual budget proposal, na subject pa rin sa regular budgeting process.

Pirmado ni Pangulong Duterte ang kautusan noong June 18, 2021.